Archive for the Abante Column Category

Si Ninoy, si Cory at ang mga Kabataan

Posted in Abante Column, Youth with tags , , on August 22, 2009 by jojobinay

Sinasabi ng karamihan na wala nang pakialam ang kabataan sa nangyayari sa ating bansa. Hindi ako naniniwala dyan. Sa tingin ko, mulat na ang ating kabataan. At napakalaki ng ambag ng pagkamatay ni dating Pangulong Cory Aquino sa muling pagpukaw ng isip at kamalayan ng ating mga kabataan.

Maituturing na isang madaliang aralin sa sibika ang naibigay sa kabataan ng pagpanaw ni Pangulong Cory. Sa loob lamang ng apat na araw, namulat ang kanilang mata sa katotohanan na ang kanilang tinatamasang kalayaan ngayon ay bunga ng pagsisikap ng naunang henerasyon na bawiin ito mula sa isang mapang-aping pamahalaan. At gaya ng tinuran ng isang kanta na lumaganap noong 1986, naniniwala ako na hindi rin sila papayag na mawala pang muli ang kalayaan at demokrasya.

Eto rin ang katuwang na aral ng kabayanihan ni dating Senador Ninoy Aquino. Ginising ng kanyang pagpaslang noong Agosto 21 1983 ang maraming kabataan noong panahong iyon, at ito ang nagtulak sa kanilang makibahagi sa mga kilos protesta na nagbalik ng demokrasya.

Dahil ilang linggo lamang ang agwat ng pagpanaw ni Pangulong Cory at ng anibersaryo ng kabayanihan ng kanyang asawang si Ninoy, kabi-kabila ang narinig natin na papuri at parangal sa kanilang dalawa. Narinig natin ang mga magagandang salita. Ngunit ilan ba ang talagang nagbibigay parangal sa kanila hindi lamang sa salita, kundi sa gawa?
Paano natin binubuhay ang kanilang kiabayanihan?

Tanungin mo ang isang karaniwang kabataan kung sino ang kanilang bayani at ang madalas nilang sagot ay ang mga kilalang boxer, basketbolista, o artista. Wala akong nakikitang mali sa pagturing sa mga celebrities bilang mga bayani. Ngunit para makamtan natin ang mas matayog na simulain, kailangan din nating tingalain ang mga kagaya ni Cory at Ninoy.

Ipinakita ni Cory at Ninoy ang halaga ng pananalig – sa Panginoon, sa Pilipino, at sa ating mga sarili. Yan ang katangian na sa aking palagay ay dapat nating isabuhay maging sa pang-araw araw nating pakikisalamuha sa kapwa.
Halimbawa, hindi yata makatototahanang maghumiyaw tayo ng katarungan kung ang mga batas trapiko ay nilalabag natin o kaya ay nandaraya tayo sa mga exam.
O kaya ay sabihing “Ninoy, hindi ka nag-iisa!” habang patuloy tayong nagkakalat sa kalye o nanggulang sa pila.
Maari tayong sumigaw ng “Cory! Cory! Cory!” ngunit nasan ang diwa nito kung palagi naman tayong gumagawa ng kwento para lang makalusot.

At hindi natin mapatotohanan ang pagsasabi ng “paalam, salamat, at hindi ka namin makakalimutan” kay Cory kung ang mga simpleng obligasyon natin sa pamilya at kaibigan ay hindi natin matupad.
Sa maikling salita, dapat ay isinasabuhay natin ang ating mga adhikain. Ang pagiging tunay na Pilipino ay ginagawa, sa isip, sa salita, at sa gawa.

Parang sa simula ay napakahirap abutin ng mga adhikain ito.
Ngunit nais kong ibahagi sa inyo ang sinabi ng mang-aawit na si Joey Ayala- ang sabi niya kung kaya nating isipin, kaya nating gawin. Sa paisa-isang hakbang, tayo ay makakarating.

Noong ako ay bata pa at isang aktibista, sinabihan kami na hindi kami uubra sa lakas ng isang diktador, na hindi kaya ng prinsipyo ang mga armas at sundalo ng isang diktador. Kung hindi namin binaligtad ang ganyang kaisipan, hindi matatamasa ng ating mga kabataan ang kalayaan at demokrasyang pinagkait sa amin.

At noon ding ako ay bata pa, marami ang nagsasabi sa akin na dahil ako ay laking mahirap – at hindi matatawag na tall, dark and handsome – ay hindi ako aasenso sa buhay.

Maging ito man ay para sa mga dakilang adhikain o para sa pang-araw-araw na pagharap sa ating mga personal na paghamon sa buhay,simple lang ang aking patnubay sa mga kabataan: may pag-asa, may pag-ahon, may bukas pa.

Note: Mababasa ito sa aking kolum na HANDA PARA SA BANSA sa Abante bukas, 23 August 2009.

Advertisements

Si Cory sa aking buhay

Posted in Abante Column with tags , , on August 8, 2009 by jojobinay

HANDA PARA SA BANSA
Ni Jojo Binay sa Abante
August 9 2009

Nagsisimula pa lang ako bilang human rights lawyer noong panahon ng martial law nang una kong nakilala si Pangulong Cory Aquino.

Kabilang ako sa grupo ng mga abugadong nagtatanggol kay dating senador Ninoy Aquino na noon ay nililitis ng isang military tribunal. Kapag kami ay nagpupulong sa bahay ng kanyang ina sa Dasmarinas Village, si Cory mismo ang nag-aasikaso sa amin. Noon pa lang ay nakita ko na ang kababaang-loob ni Cory. Hindi sya nangingiming makisalamuha sa mga tao mula sa ibat-ibang antas ng lipunan.

Sa pagdaan ng mga taon, lalo na matapos paslangin si Ninoy, masasabing naging malapit ako kay Pangulong Cory. Nang siya ay kumandidato laban kay Marcos sa 1985 snap presidential election, isa ako sa nagboluntaryo bilang abugado at bodyguard na kasa-kasama niya sa kampanya. Nang pumutok ang 1986 EDSA Revolution, inihabilin nya sa akin ang paglilipat ng kaniyang mga anak mula sa bahay nila sa Times Street patungo sa bahay ng kanyang kapatid sa Wack-Wack. At nang magtagumpay ang rebolusyon, laking pasasalamat ko nang ako ang hirangin niyang acting mayor ng Makati.

Kung ano ako ngayon, utang ko kay Pangulong Cory. Siya ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na makapaglingkod sa aking mga kababayan. Siya ang nagpunla sa akin ng diwa ng tunay na paglilingkod – simple, mapagpakumbaba, at laging isinasapuso ang interes ng nakararami. Ang pagkatao ni Cory ang naging katangian ng kanyang pamumuno.

Nais kong pasubalian ang mga obserbasyon na umano’y mahina ang pamumuno ni Pangulong Cory. Ilang beses kong nakitang ang lakas ng loob ni Pangulong Cory, kahit noong hindi pa siya nagiging pangulo ng bansa.

Noong huling araw ng EDSA Revolution, nagdesisyon siyang lumabas at magsalita sa mga kababayan natin mula sa POEA Building. Sabi ng kanyang mga adviser, huwag na siyang lumabas dahil panalo na raw at baka madisgrasya pa siya. Hindi ko makakalimutan ang sagot sa kanila ni Cory, “Akala ko ba ang usapan natin handa tayong lahat to make the ultimate sacrifice? Lalabas ako.” Natahimik ang lahat.

Noon namang unang tangkang kudeta sa kanyang administrasyon, hindi niya sinunod ang payo ng ilang mga heneral na iwanan nya ang Malakanyang at magkubli sa Fort Bonifacio. Sabi nya sa akin sa telepono, “Kahit na anong mangyari, hindi ako aalis dito.”

Mayor Binay with Pres.Cory and AFP chief of staff Rodolfo Biazon
At noong ideklara ni Mrs. Arroyo ang state of emergency noong Pebrero 2006, nanguna si Cory sa isang martsa sa Ayala Avenue. Kasama naming hinarap ni Cory ang harang ng mga anti-riot policemen at nang mahawi ang harang, mapayapang nagdasal si Cory sa monumento ng kanyang asawang si Ninoy.

Saan nanggagaling ang tapang ni Pangulong Cory? Sa aking palagay, ito ay mula sa kanyang taimtim na pananampalataya. Para kay Pangulong Cory, ang lahat ng dinaranas natin ay itinakda ng Maykapal, at bawa’t isa sa atin ay naririto upang tuparin ang Kanyang takda dito sa lupa.

Para sa akin, higit pa sa isang pangulo si Cory. Siya ay isang matalik at minamahal na kaibigan. Lagi siyang naririyan upang dumamay sa oras ng pangangailangan. Nang ako ay suspindihin ng Malakanyang noong Oktubre 2006, isa si Cory sa mga unang dumamay sa akin. Nagulat ako nang makita ko siya sa City Hall, at labis ang aking tuwa nang sabihin niya na buo ang kanyang suporta sa akin.

Wala na si Pangulong Cory. Wala nang tatawag sa akin na “one of my favorite mayors.”

Wala na akong matatakbuhan at mahihingan ng payo. Sa buong panahon ng aking pagiging mayor, may ilang ulit akong tumawag o kaya ay nakipag-usap kay Cory upang hingin ang kanyang payo sa mga bagay na bumabagabag sa akin. At lagi akong nagagabayan ng kanyang mga payo.

Bagaman wala na si Pangulong Cory, sa aking palagay ay nabiyayaan naman ang bawat Pilipino ng isang simbolo, ng isang maningning na sagisag ng taos-pusong paglilingkod, isang halimbawa ng tapat na pamahahala na naghuhumiyaw sa panahong ito.

Umasa ka, Pangulong Cory, na ipagpapatuloy naming ang iyong nasimulan. Umasa ka na hindi ka naming bibiguin.

May Bukas Pa

Posted in Abante Column with tags , , , , , , , , on August 1, 2009 by jojobinay

Handa para sa Bansa
Ni Jojo Binay
August 2 2009

May bukas pa

Nitong nakaraang Lunes, ibinida ni Mrs. Arroyo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang kanyang mga nagawa sa nakaraang walong taon na siya ay nasa Malakanyang.

Ibinida ni Mrs. Arroyo na maunlad ang ekonomiya, maraming trabaho, nabawasan ang kahirapan at naibsan ang gutom. Kayat marami ang nagtanong – matapos mapakinggan ang kanyang halos-isang oras na talumpati – anong bansa kaya ang tinutukoy ni Mrs. Arroyo?

Maunlad daw ang ekonomiya, ayon sa report ng National Economic Development Authority (NEDA). Ngunit sa report ng ng NEDA yon. Hindi ito nararamdaman sa lamesa ng mga mamamayan.

Ang katotohanan, laganap ang gutom at hirap; laganap ang sakit, maraming kabataan ang hindi makapag-aral, at yung mga nakapagtapos naman ay hirap makakuha ng trabaho.

Sa katunayan, habang nagbibigay ng kanyang SONAsi Mrs. Arroyo, lumabas ang resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) tungkol sa gutom. Ayon sa survey na isinagawa noong Hunyo, umabot na sa 3.7 milyong pamilya ang dumanas ng gutom sa nakaraang tatlong buwan.

Tatlong puntos na lang ay napantayan na ang pinakamataas na antas ng gutom sa ilalim ni Mrs. Arroyo, 4.3 milyong pamilya noong Disyembre 2008.

Gaano kalala ang sitwasyon ng gutom sa Pilipinas?

Ayon sa survey ng Gallup International- isang prestihiyosong international survey group – pang-lima ang Pilipinas sa 56 na bansa kung saan laganap ang gutom.

Marami raw nalikhang trabaho sa administrasyon ni Mrs. Arroyo. Ngunit ayon mismo sa National Statistics Office at sa independyenteng Ibon Foundation, naitala mula 2001-2008 ang pinakamahabang period ng mataas at tuloy-tuloy na kawalan ng trabaho o unemployment sa bansa – 11.2 per cent.

Ayon pa sa NSO at Ibon Foundation, ang pinagsamang unemployment at underemployment ay tumaas ng 2.5 milyon sa pagitan ng January 2001 at April 2009, o kabuuang 10.8 milyong Pilipino na walang trabaho at may trabaho pero hindi sapat and sweldo.

At taliwas uli sa ipinagmamalaki ni Mrs. Arroyo, laganap ang kahirapan sa bansa.

Sinasabi ng National Statistics Coordination Board, isang ahensiya ng gobyerno, tumaas ng 530,642 ang bilang ng mahihirap na pamilya mula 2000 hanggang 2006, o kabuuang bilang na 4.7 milyong pamilya. Ang bilang ng mahihirap na indibidwal naman ay tumaas ng 2.1 milyon sa parehong period, para sa kabuuang 27.6 milyon.

Ramdam na ramdam ang gutom at hirap. Marami ang walang trabaho o kaya ay kulang ang kinikita sa araw-araw.

Ito ang tunay na kalagayan ng bansa sa ilalim ni Mrs. Arroyo.

Ngunit gaya ng maraming Pilipino, hindi ako nawawalan ng pag-asa.

Buo ang aking loob na malapit nang magsimula ang bagong bukas para sa ating bansa. Kailangan nating mag-bigkis sa simulaing maitatag ang pamahalaan na magbabalik ng ating dangal, at titiyakin na ang biyaya ng pag-unlad ay madarama ng lahat. Ganyan ang ginawa namin sa Makati, at walang dahilan para hindi magawa sa buong bansa.

Lagi nating tandaan na may pag-asa, may pag-ahon. Naniniwala ako na may bukas pa.