Si Cory sa aking buhay

HANDA PARA SA BANSA
Ni Jojo Binay sa Abante
August 9 2009

Nagsisimula pa lang ako bilang human rights lawyer noong panahon ng martial law nang una kong nakilala si Pangulong Cory Aquino.

Kabilang ako sa grupo ng mga abugadong nagtatanggol kay dating senador Ninoy Aquino na noon ay nililitis ng isang military tribunal. Kapag kami ay nagpupulong sa bahay ng kanyang ina sa Dasmarinas Village, si Cory mismo ang nag-aasikaso sa amin. Noon pa lang ay nakita ko na ang kababaang-loob ni Cory. Hindi sya nangingiming makisalamuha sa mga tao mula sa ibat-ibang antas ng lipunan.

Sa pagdaan ng mga taon, lalo na matapos paslangin si Ninoy, masasabing naging malapit ako kay Pangulong Cory. Nang siya ay kumandidato laban kay Marcos sa 1985 snap presidential election, isa ako sa nagboluntaryo bilang abugado at bodyguard na kasa-kasama niya sa kampanya. Nang pumutok ang 1986 EDSA Revolution, inihabilin nya sa akin ang paglilipat ng kaniyang mga anak mula sa bahay nila sa Times Street patungo sa bahay ng kanyang kapatid sa Wack-Wack. At nang magtagumpay ang rebolusyon, laking pasasalamat ko nang ako ang hirangin niyang acting mayor ng Makati.

Kung ano ako ngayon, utang ko kay Pangulong Cory. Siya ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na makapaglingkod sa aking mga kababayan. Siya ang nagpunla sa akin ng diwa ng tunay na paglilingkod – simple, mapagpakumbaba, at laging isinasapuso ang interes ng nakararami. Ang pagkatao ni Cory ang naging katangian ng kanyang pamumuno.

Nais kong pasubalian ang mga obserbasyon na umano’y mahina ang pamumuno ni Pangulong Cory. Ilang beses kong nakitang ang lakas ng loob ni Pangulong Cory, kahit noong hindi pa siya nagiging pangulo ng bansa.

Noong huling araw ng EDSA Revolution, nagdesisyon siyang lumabas at magsalita sa mga kababayan natin mula sa POEA Building. Sabi ng kanyang mga adviser, huwag na siyang lumabas dahil panalo na raw at baka madisgrasya pa siya. Hindi ko makakalimutan ang sagot sa kanila ni Cory, “Akala ko ba ang usapan natin handa tayong lahat to make the ultimate sacrifice? Lalabas ako.” Natahimik ang lahat.

Noon namang unang tangkang kudeta sa kanyang administrasyon, hindi niya sinunod ang payo ng ilang mga heneral na iwanan nya ang Malakanyang at magkubli sa Fort Bonifacio. Sabi nya sa akin sa telepono, “Kahit na anong mangyari, hindi ako aalis dito.”

Mayor Binay with Pres.Cory and AFP chief of staff Rodolfo Biazon
At noong ideklara ni Mrs. Arroyo ang state of emergency noong Pebrero 2006, nanguna si Cory sa isang martsa sa Ayala Avenue. Kasama naming hinarap ni Cory ang harang ng mga anti-riot policemen at nang mahawi ang harang, mapayapang nagdasal si Cory sa monumento ng kanyang asawang si Ninoy.

Saan nanggagaling ang tapang ni Pangulong Cory? Sa aking palagay, ito ay mula sa kanyang taimtim na pananampalataya. Para kay Pangulong Cory, ang lahat ng dinaranas natin ay itinakda ng Maykapal, at bawa’t isa sa atin ay naririto upang tuparin ang Kanyang takda dito sa lupa.

Para sa akin, higit pa sa isang pangulo si Cory. Siya ay isang matalik at minamahal na kaibigan. Lagi siyang naririyan upang dumamay sa oras ng pangangailangan. Nang ako ay suspindihin ng Malakanyang noong Oktubre 2006, isa si Cory sa mga unang dumamay sa akin. Nagulat ako nang makita ko siya sa City Hall, at labis ang aking tuwa nang sabihin niya na buo ang kanyang suporta sa akin.

Wala na si Pangulong Cory. Wala nang tatawag sa akin na “one of my favorite mayors.”

Wala na akong matatakbuhan at mahihingan ng payo. Sa buong panahon ng aking pagiging mayor, may ilang ulit akong tumawag o kaya ay nakipag-usap kay Cory upang hingin ang kanyang payo sa mga bagay na bumabagabag sa akin. At lagi akong nagagabayan ng kanyang mga payo.

Bagaman wala na si Pangulong Cory, sa aking palagay ay nabiyayaan naman ang bawat Pilipino ng isang simbolo, ng isang maningning na sagisag ng taos-pusong paglilingkod, isang halimbawa ng tapat na pamahahala na naghuhumiyaw sa panahong ito.

Umasa ka, Pangulong Cory, na ipagpapatuloy naming ang iyong nasimulan. Umasa ka na hindi ka naming bibiguin.

2 Responses to “Si Cory sa aking buhay”

  1. Abzeedee Red Says:

    Mayor, kung totoo man ang mga balita na ikaw ay tatakbo sa halalang pang panguluhan sa susunod na taon, alam ko na ito ay malaking hamon, ngunit ako ay umaasa at mananalangin ng iyong tagumpay. Alam ko na hindi ka sisira sa kung anuman ang iyong ipapangako sa sambayanan sa panahon ng iyong pangangampanya. Naniniwala ako na gagabayan ka sa iyong pamumuno ng mga virtue na nakita natin kay dating pangulong Cory Aquino. Hindi ako naniniwala na mahirap ang Pilipinas. Dangan nga lamang at ang ating yaman ay kinukulimbat ng mga namumuno kasama na ang lahat ng kanyang galamay. Politics in this country has become so dirty, but quite a lucrative undertaking that everybody wants to join in the bandwagon. It has ceased to be a public service but rather it now becomes the easiest way to amass wealth. At dahil d2 lalong bumaba ang pagtingin ng mga dayuhan sa buong mundo. Wala ng hindi nabibili ngayon sa Pilipinas. Ultimo prinsipyo at dignidad ay nabibili na. Ano na ang nangyari sa mga pangaral ng ating mga ninuno at ang pangaral ng simbahan. Why have we come to this situation? We are the only Catholic country in Asia, yet we seem to be the most blinded by the evil desire for money and power.

    Mayor, i know you can do so much for this country. Sana hindi ka sumuko sa laban kahit alam mo na napakahirap ng iyong susuungin. I may only have one vote, but i believe that winning the election, like a journey that starts with a single step, begins with one vote!

    Go Mayor!

  2. royzans salinas Says:

    hello po mayor binay isa po ako sa mga suporters niyo nakikit ako po sa inyo na karapat dapat kayong tumakbo bilang presidente ng ating bansa.. umaasa po ako na malulutas ninyo ang mga problemang dadaan sa inyong buahy andito lang po kaming mga kabataan ng zambales na naniniwala sa inyong kakayahan.!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: